Photo of woman sleeping soundly

By Doc Liza Ramoso-Ong

Mahirap ang hindi makatulog. Ang bawat tao ay kailangan ng 6 hanggang 8 oras ng tulog. Ito ang mga payo ng mga eksperto para makatulog:

  1. Magkaroon ng regular na oras ng pagtulog.
  2. Kumain ng masustansya.
  3. Magkaroon ng regular na ehersisyo.
  4. Umiwas sa pag-inom ng kape.
  5. Umiwas sa pag-inom ng alak.
  6. Ihinto ang paninigarilyo.

Maliban sa mga payong ito, mayroon pa akong karagdagang tips para maging mahimbing ang iyong tulog:

  1. Subukan ang Melatonin. Ayon kay Dra. Rebecca Castillo, ang melatonin ay nakatutulong sa pagtulog at nagpapalakas ng ating immune system.
  2. Uminom ng Vitamin B Complex. Pampagana ito ng pagkain at makatutulong din sa pagtulog.
  3. Huwag masanay sa sleeping pills. Puwedeng uminom ng sleeping pills paminsan-minsan. Huwag itong araw-arawin dahil mawawalan ito ng bisa.
  4. Pagurin ang iyong katawan. Ayon sa Bibliya, masarap ang tulog ng manggagawa. Ito’y dahil pagod ang katawan ng isang nagtratrabaho.
  5. Huwag umidlip sa hapon. Umiwas sa siesta at pagtulog sa araw. Dahil kapag nakatulog ka na sa araw ay hindi ka na aantukin sa gabi. Ipunin mo na lang ang iyong tulog sa gabi.
  6. Mag-meditate, mag-relax o makinig sa musika. Magpamasahe at maligo ng maligamgam na tubig.
  7. Sa may asawa, may tulong ang sex sa gabi. Ayon sa pagsusuri, nakatatanggal ng stress ang pagtatalik. Nagiging mahimbing din ang pag-tulog. Walang malisya po!
  8. Kung hindi talaga makatulog ay humiga na lang sa kama at mag-relax. Kahit hindi ka makatulog ay mare-relax naman ang iyong katawan.
  9. Mag-isip ng hindi importanteng bagay para malibang ang isipan. Maya-maya ay aantukin ka na.
  10. Magdasal. Ipasa mo ang iyong iniisip sa Diyos. Siya na ang bahala dito.

Magdasal ng ganito: “Diyos ko, naging maganda ang araw natin ngayon. May mga problema ako pero alam kong hindi mo ako pababayaan. Matutulog na ako at ipapakiusap ko na bantayan mo ang aking mga mahal sa buhay. Ipapasa ko na sa iyo ang lahat ng problema ko. At pag-gising ko bukas ay magagawa ko na po ang misyon mo para sa akin. Amen.”