Original Article and Video by Dr. Liza Ramoso-Ong
Para hindi masira ang ngipin mo:
- Marami sa atin ay kinakagat ang yelo ngunit hindi natin alam na sa bawat pagkagat ng yelo ay nagkakaroon ng maliliit na biyak sa enamel ng ipin. Maaaring lumaki ang biyak at ma-fracture ang ipin.
- Meron tinatawag na Baby Bottle Tooth Decay kung saan pinapadede ng gatas habang tulog ang baby at nagiging dahilan ng pagkabulok ng ngipin. Kapag gising na lang padedehin ang mga bata at sundan ng tubig o sanayin na mag-cup. I-brush na din ang ipin sa unang pagtubo pa lang.
- Ang pag-inom ng matatamis na inumin tulad ng softdrinks, iced tea at milk tea ay makasisira ng ngipin. Ang softdrinks ay maraming asukal at mataas sa acid. Pwede mag straw kung acidic ang inumin para hindi masira ang enamel ng ipin.
- Iwasan ang mga gummy candies, jelly beans o caramels dahil dumidikit ito sa ipin.
- May mga tao na ginagawang pambukas ng plastic at softdrinks ang ngipin o pangputol ng mga bagay. Hindi ito mabuti kasi napipingot ang ipin. Ingatan ang mga ngipin.
- May ilang tao ang nakagawian ng kagatin ang lapis o ballpen at kuko lalo na pag kinakabahan. Palitan na lang ng sugarless chewing gum kung kailangan may nginunguya.
- Ang pagkain ng madalas sa buong maghapon ay hindi mabuti dahil nag-iipon ang mga pagkain sa pagitan ng ipin.
- Ang madalas na pag-inom ng kape ay nakakatuyo ng bibig kaya mas konti ang laway, nagkakaroon ng dry mouth at tooth decay. Dalasan ang pag-inom ng tubig sa maghapon.
- Ang sigarilyo ay nakakatuyo ng bibig, nagdudulot ng sakit sa gilagid at kanser sa bibig.
- Ang pagsipilyo ng madiin ay maaaring magpudpod ng enamel at gilagid.
- Ang pagdede ng daliri o thumb-sucking ng bata ay may epekto sa pagtubo ng ngipin at maaaring maging sungki ang ipin.