Photo of a woman's waist measured by a measuring tape

By Dr. Liza Ramoso-Ong

Ayon sa isang local survey, 40% ng mga kababaihan ay overweight o sobra sa timbang. Samantala, 15% lang ng kalalakihan ang matataba. Bakit kaya? Ito’y marahil kinakain ng nanay ang mga tira ng anak. Lagi din nasa bahay ang mga babae kaya hindi gaanong nag-e-ehersisyo.

            Paano malalaman kung mataba ka o hindi? Isang simpleng paraan ay ang pagsukat ng tiyan. Ayon sa isang pagsusuri sa Asia, ang dapat na sukat ng tiyan (sa pusod ang sukat at hindi sa baywang) ay 36 inches o pababa sa lalaki, at 31 inches sa babae. Kapag lumampas ka dito, ay medyo masama na ito. Kailangan nang magpapayat dahil baka magdulot ito ng diabetes, arthritis at sakit sa puso.

 Sundin ang mga tips para pumayat:

  • Magbawas ng 100-200 calories bawat araw. Magagawa mo ito kapag iiwas ka sa soft drinks at iced tea. Magtubig ka na lang. Zero calories ang tubig. Puwede mo din bawasan ang iyong panghimagas. Gawin mo ito at siguradong papayat ka.
  • Maging magalaw o malikot. Habang ika’y naglalakad, igalaw mo ang iyong mga braso. Habang may ka-text, i-marcha mo ang iyong mga paa. Sa ganitong paraan, makababawas ka ng 100 calories bawat araw.
  • Gumamit ng maliit na plato, iyung 9 inches lang ang sukat. Kapag maliit ang plato, mako-kondisyon ang iyong isipan na konti lang ang kakainin. Isa pa, wala nang pa-dukot-dukot pa. Kung ano ang nasa plato mo, iyun lang ang kakainin mo.
  • Uminom ng 1 basong tubig bago kumain. Dahil nakabubusog din ang tubig, mas konti lang ang makakain mo.
  • Piliin ang masasabaw na pagkain. Mas mabubusog ka sa mga matubig na pagkain tulad ng arroz caldo. Ang sopas at ensalada ay magaan din sa tiyan.
  • Magbawas ng kanin. Kung dati ay 2 tasa ka magkanin, gawin na lang 1 tasa. Puwede din ang kalahating tasa ng kanin bawat kainan. Nakatataba kasi ang kanin.
  • Kumain ng madalas pero pakonti-konti. Huwag kakalimutan ang agahan (breakfast). Ang sikreto dito ay konti lang ang iyong kakainin. Sa meryenda, puwedeng 1 saging o mansanas lang. Sa tanghalian at hapunan, puwedeng 1 cup rice, gulay at isang ulam lang. Huwag hintayin ang gutom bago kumain.
  • Masama ang “Crash Diet” o iyung gustong biglang ginugutom ang sarili. Kaya mo itong gawin ng 3 araw, pero pagkatapos ay babawi na ang iyong katawan. Babalik din ang dati mong timbang. Ayon sa pagsusuri, ang crash diet ay nagpapaigsi ng buhay ng 5 years. Magbawas lang ng 1-2 pounds bawat linggo.
  • Kumain ng mga gulay at prutas na maraming fiber tulad ng pechay, kangkong, okra, sitaw, ampalaya, carrots, mansanas, peras at saging. Mabilis makabusog ang mga pagkaing mataas sa fiber.
  • Dalawa lang ang bawal: Matatamis at matataba. Umiwas sa matatamis na pagkain tulad ng icing ng cake, halo-halo at mga juice na nasa lata. Magbawas din sa mga baboy at baka na maraming taba.
  • Umiwas sa junk foods. Huwag mag-ipon ng sitsirya sa bahay. Turuan ang mga bata na kumain ng saging o mansanas kapag nagugutom. Mataas sa asin at walang sustansya ang sitsirya.
  • Sa fast-foods, subukan ang Kenny Roger’s Roast Chicken, Bodhi Vegetarian Food, at Subway Sandwiches. Ang roasted chicken ng Kenny Roger’s ay natanggalan na ng mantika. Paborito ko iyan. Healthy din ang vegemeat at gulay sa Bodhi. Nakakabusog at mababa sa calories.
  • Sex bilang ehersisyo. Kadalasan, ang gusto ng lalaki ay 5 minuto lang sa sex. Mga 30 calories lang ang matatanggal sa iyo. Kapag magtagal ka ng 30 minutos sa sex, puwede kang magbawas ng 250 calories.
  • Uminom ng multivitamin kapag nagdi-diyeta. Kapag walang pera, kumain ka ng 2 saging bawat araw. Maraming vitamins na iyan.
  • Bumili ng timbangan. Mura lang ang timbangan, mga P400 lang. Alamin ang iyong timbang bawat 2 araw. Kapag tumataas ang iyong timbang, piliting mag-diyeta na. Kapag bumababa na ang timbang, ituloy lang ang ginagawa para mapanatiling mababa ang timbang. Kailangan mo ng tibay ng loob para pumayat. Good luck.

Related Posts