A photo of a glass of milk

Maling Paniniwala Tungkol sa Gatas at Katabaan

Maling paniniwala: “Ang gatas na nabibili (canned milk) ay kasing-sustansya ng gatas ng ina.”

Paliwanag: Mali po ito. Mas masustansya ang gatas ng ina kumpara sa gatas ng baka o powdered milk. Ang gatas ng ina (breast milk) ay may protina, carbohydrates at mahalagang minerals tulad ng calcium, phosphorus, sodium, potassium at chlorine. Bukod dito, may dagdag pa itong espesyal na panlaban sa sakit – ang immunoglobulins (IgA at IgG). Pinapalakas nitong immunoglobulin ang resistensya ng bata para labanan ang ubo, hika, allergy at pulmonya. Ayon din sa pagsusuri, mas matalino at mas mataas ang IQ ng batang dumede sa nanay kumpara sa batang dumede sa bote. At siyempre, mas mura ang gatas ng ina at mas malinis pa. Napakamahal ng powdered milk at lalagyan mo ito ng tubig na posibleng kontaminado pa. Kaya sa mga nanay, i-breast feed na ang inyong anak.

Maling paniniwala: “Ang matabang bata ay malusog na bata.”

Paliwanag: Mali po. May paniniwala ang ibang magulang na ang matabang bata ay malusog. Dahil dito, ipinapakita ng magulang ang kanilang pagmamahal sa pagbibigay ng kung anu-anong pagkain sa bata. Ang resulta ay tumataba ang bata at maagang nagkakaroon ng mga sakit tulad ng high blood, diabetes at mataas na kolesterol. At dahil tinutukso ang bata ng kanyang kaklase, nagiging mahiyain at insecure din siya.

Para maiwasan ito, dapat ang mga magulang mismo ay magkaroon ng healthy lifestyle. Kung marunong pumili ng masustansyang pagkain ang magulang, magagaya din ito ng mga anak. Kaya umiwas na sa pagbili ng sitsirya, matatamis na inumin at kendi. Magbawas din sa pagkain sa fast foods at mga pritong pagkain.

Tandaan: Kapag marunong ang magulang ng tamang pagkain, magiging malusog din ang kanilang mga anak.

Related Posts