A photo of chess pieces being played by a man

By Dr. Liza Ramoso-Ong

Alamin kong gusto ninyong maging matalino. At kung matalino ka na, dapat ay maprotektahan ang iyong utak para manatili kang matalino. May paraan iyan:

  1. Kumain ng brain food o mga pagkaing mabuti sa utak. May mga pag-aaral na nagpapakita na may tulong ang pagkain ng (1) isang dakot ng mani bawat araw dahil may good oils ito na nagpapataas ng serotonin levels, (2) matatabang isda tulad ng tilapia, sardinas at salmon na may omega-3, (3) olive oil at avocado na may omega-3, at (4) dark chocolate na may flavonoids na pinapanatiling bata ang ating ugat.
  2. Gamitin palagi ang utak. Sumagot ng mga crossword puzzles at Sudoku. Maglaro ng chess. Subukang mag-multiply o magkuwenta sa pamamagitan ng isip at huwag nang gumamit ng calculator. Paganahin ang iyong utak.
  3. Mag-internet at mag-search sa Google. May pagsusuri na nagpapakita na nakakatalino ang pag-surf sa internet. Kahit bata man o may edad, napatunayan sa brain scans na ang paggamit ng internet ay nagpapagana ng ating utak.
  4. Umiwas sa alak at mga bisyo. Ang pag-inom ng sobrang alak ay nakababawas ng brain cells. Hihina ang iyong memorya. May sakit na kung tawagin ay “alcoholic dementia.” Ang ibig sabihin nito ay nagiging uliyanin ang pasyente dahil nabababad ang kanyang utak sa alcohol. Iwas din sa paninigarilyo at pagpupuyat.
  5. Piliting mag-aral kahit nahihirapan ka. Kahit hindi mo gaano maintindihan ang iyong leksyon, pagtiyagaan mo pa rin ito. Sa English class, magbasa lang ng libro. Sa Mathematics, mag-practice sa pagsagot sa mga tanong para maging bihasa. Maya-maya, magugulat ka na lang at naiintindihan mo na pala.
  6. Mangarap o mag-day dream. Oo, okay lang ang mangarap ng gising. Kung ang pangarap mo ay maging isang piloto, abugado o doktor, isipin mo kung paano ito magkakatotoo. Ayon sa mga psychologists, kapag lagi mong inaasam ang isang bagay, gagawa ng paraan ang iyong utak at katawan na magkatotoo ito. Lahat ng nagtagumpay ay nag-umpisa lamang sa isang pangarap.
  7. Protektahan ang iyong ulo. Huwag hayaang mauntog o masuntok ang iyong ulo. Magsuot ng helmet habang nag-mo-motorsiklo, nag-sports o nagta-trabaho. Sa mga may edad, mag-ingat sa paglalakad at baka ika’y matumba at mauntog ang iyong ulo.
  8. Uminom ng vitamin B complex na may folic acid. Ayon sa bagong pagsusuri, ang pag-inom ng vitamin B complex ay maaaring magpabagal sa pagkakaroon ng Alzheimer’s disease at pagiging makalimutin. Hindi lang iyan, sa mga nagbubuntis, kailangan ninyong uminom ng vitamin B with folic acid para hindi magkaroon ng brain damage (neural tube disorder) ang iyong anak.
  9. At huli sa lahat, bantayan ang iyong blood pressure, kolesterol at blood sugar. Kailangan ay normal ang lahat ng ito para manatiling maganda ang daloy ng dugo sa iyong utak. Kung mayroon kang nararamdaman, magpatingin sa iyong doktor.

Mga Pagkaing Pampatalino (Brain Foods)

Kapag sapat sa bitamina at nutrisyon ang iyong pagkain, mas magiging matalas ang iyong pag-iisip at memorya kumpara sa mga taong hindi kumakain nito.

Alamin natin itong mga tinaguriang “brain foods”:

  1. Mani – Ang mani ay may taglay na vitamin E at good fats. Ayon sa pagsusuri, kapag mataas ang lebel ng vitamin E sa iyong katawan, mas matalas din ang iyong pag-iisip. May tulong din ang mani para sa memorya. Puwedeng kumain ng nilagang mani, kasoy at walnuts. Huwag lang piliin ang pritong mani na may maraming asin. Limitahan ang pagkain ng mani sa isang dakot lamang (30 grams) dahil mataas din ito sa calories.
  2. Matatabang isda (oily fish) – Ang mga oily fish ay ang tuna, tilapia, salmon, sardinas, tamban at taba ng bangus. May taglay itong omega-3 fatty acids na nagpapaganda ng daloy ng dugo. Dahil dito, mababawasan ang tsansang magkaroon ng sakit sa stroke at atake sa puso. Subukang kumain ng 4 ounces ng isda tatlong beses kada linggo.
  3. Itlog – Ang itlog ay mataas sa choline, isang kemikal na kailangan ng mga bata para mag-develop ang kanilang utak at memorya. Mataas din sa vitamin A, iron at folate ang itlog. Puwedeng kumain ng 1 itlog bawat araw. Ngunit kung ikaw ay may sakit sa puso o mataas ang kolesterol, limitahan ang pagkain ng itlog sa 3 itlog bawat linggo.
  4. Kape – Makatutulong ang kape para maiwasan ang Alzheimer’s disease. May sangkap na antioxidants at caffeine ang kape. May tulong din ang kape sa pag-memorya ng iyong inaaral pero panandalian lang ang epekto nito. Puwedeng uminom ng 1 o 2 tasang kape sa maghapon. Huwag din sosobrahan at baka bumilis ang pagtibok ng iyong puso. Huwag nang lagyan ng whip cream at full cream milk ang kape para hindi nakatataba.
  5. Abokado – Ang abokado ay mayaman sa vitamin B at good fats (monounsaturated fats) na nagpapaganda ng daloy ng dugo sa utak. May mga pagsusuri na nagpapakita na ang abokado ay nakababawas sa stroke at nakakababa ng blood pressure.

Bukod sa mga pagkaing ito, dapat din tayo magkaroon ng healthy lifestyle para mapangalagaan ang ating utak. Matulog ng sapat at umiwas sa alak at sigarilyo.

Related Posts