A photo of a woman in pain with her mouth open

By Dr. Liza Ramoso-Ong

Kaibigan, may singaw ka ba sa bibig? Ang sakit hindi ba?

Saan galing ang singaw? Hindi pa tiyak. May nagsasabi na kulang sa bitamina o baka nasobrahan sa stress. Ngunit ang madalas na sanhi ay ang pagkasugat sa dila o labi. Kapag napaso ka, nakagat mo ang dila o kung may teeth braces ka, puwede kang magkasingaw.

            Marami na akong nasubukang gamot para sa singaw pero wala itong epekto sa akin. Huwag po lagyan ng kalamansi at suka. Heto ang payo para sa singaw:

  1. Bumili ng Solcoseryl Ointment. Ang Solcoseryl Ointment ay pinapahid ng 3-5 beses sa lahat ng iyong singaw. Noong nasubukan ko ito, ang laki pong ginhawa.
  2. Mag-yogurt. Ang pagkain ng yogurt 3 beses sa maghapon ay nakapagtatapal sa sugat ng mga singaw. Kahit nasaan pa ang singaw mo, sa bibig, dila o lalamunan, matatapalan ng yogurt at mababawasan ang sakit.
  3. Uminom ng 8-12 basong tubig sa maghapon. Kapag maraming tubig ang ininom, mas magiging basa ang ating lalamunan at bibig at hindi gaano sasakit ang singaw. Luluwag pa ang ating plema.
  4. Umiwas sa maaasim at maaalat. Mahapdi sa singaw ang maaasim na prutas tulad ng orange at mangga. Okay lang sa akin ang melon at pakwan bilang juice. Kumain na lang ng lugaw at malalambot na pagkain para hindi masugatan ang singaw.
  5. Uminom ng multivitamins. Wala namang masama sa pag-inom ng vitamins. Baka makatulong pa.
  6. Itanong sa doktor kung kailangan mo ng antibiotics tulad ng Amoxicillin 500 mg. Iniinom ito ng 3 beses sa maghapon sa loob ng 5 araw. Mura lang ito sa generics na botika. Kung may kasamang sore throat o tonsils ang iyong singaw, kailangan na ng antibiotics.

Related Posts