A woman scratching her head and a face with reddish skin problem

Video and Tips by Doc Liza Ramoso-Ong

Kuto o Head Lice:

Ang tawag sa kuto ay head lice. Ang medikal na termino ay Pediculosis capitis. Ang kuto ay isang napakaliit na insekto na kulay brown. May mga matutulis na kamay ang kuto (parang ipis). Kapag nahawa tayo, kumakapit ito sa ating buhok.

Ang mga nakikita nating puti-puti na dumidikit sa buhok ay mga itlog ng kuto, o tinatawag na Nits o Lice Eggs. Dahil sa kuto, madalas kumakati ang buhok at ulo ng may kuto. Parang may balakubak sila. May mga tigyawat din sa ulo, leeg at balikat.

Sobrang bilis makahawa ang kuto. Kapag madikit ang ulo mo sa isang taong may kuto, puwedeng lumipat ang kuto sa iyo.

Ang mga gamit na madalas dapuan ng kuto ay ang unan, baro, sombrero at stuffed toys. Banlian ito maigi sa kumukulong tubig at ibilad sa sikat ng araw. Mahirap patayin ang kuto, pero heto ang mga paraan.

  1. Magpa-ikli ng buhok – Magpagupit ng manipis o i-layered ang buhok para walang makapitan ang kuto.
  2. Gumamit ng suyod para matanggal ang mga itlog ng kuto sa buhok.
  3. Bumili ng pang-kuto na Shampoo. Ang generic name nito ay Permethrin 10 mg shampoo. Hugasan maigi ang buhok. Pagkatapos ay hayaan ang shampoo sa buhok ng 10 minuto bago banlawan. Ingatan na huwag pumunta sa mata ang shampoo. Ulitin ito pagkaraan ng isang linggo kapag hindi pa naubos ang kuto.
  4. Huwag pong pasaway. Gamutin ang kuto at huwag mang-hawa ng iba.

Galis o Scabies:

Ang galis o Scabies ay galing sa maliit na hayop na kung tawagin ay Sarcoptes scabei. Tumitira ang galis sa katawan ng tao at sa hayop tulad ng aso at pusa. Kapag nasa tao, puwedeng mabuhay ng 1 buwan ang scabies. Kapag wala na sa katawan ng tao, nabubuhay pa ito ng hanggang 2 araw.

Dahil may mga pamilya na siksikan sa bahay at tabi-tabi kung matulog, mabilis makahawa ang galis. Mag-ingat sa paggamit ng tuwalya, unan, bedsheet at panyo ng isang taong may galis dahil baka mahawa ka.

Ang galis ay kumakapit sa kamay, pulsuhan (wrist), paa, siko at suso. Parang maliliit na tigyawat na may linya ang hitsura nito. Nagtatago ang parasitikong ito sa lugar ng mga skin-folds o sa pagitan ng mga daliri ng kamay at paa. Makating-makati ang galis at lalo itong makati sa gabi. Minsan ay nagsusugat ang balat na pasyente dahil sa kakakamot.

Paano gagamutin ito? Bumili ng pang-galis na lotion. Ang generic name nito ay Permethrin 50 mg lotion o Benzyl benzoate lotion. Sundin maigi ang direksyon ng pag-gamit nito. Maligo muna. Pagkatapos ay ipahid ang lotion sa buong katawan, mula leeg hanggang paa. Hayaan ang lotion sa katawan ng 8 oras at pagkatapos ay maligo ulit. Kapag hindi pa naubos ang galis, ipahid ulit ng lotion ng 1 beses pa sa susunod na araw.

Tandaan: Sundin maigi ang direksyon sa paggamit ng lotion, dahil may side effect ito kapag nasobrahan ang gamit.

Lahat ng may galis sa bahay ay dapat gamutin. Dahil kung hindi, ay magkakahawahan lang ng paulit-ulit. Iwas galis. Iwas kuto. Panatilihing malinis ang katawan.

Related Posts