A photo of a groovy and energetic old man

By Doc Liza Ramoso-Ong

Naisulat ko dati ang mga paraan para humaba ang inyong buhay. Kasama sa listahang ito ang pagtigil sa paninigarilyo, pagpapa-bakuna, pag-ehersisyo ng regular, at tamang pagkain.

Ngunit mayroon pa akong panibagong tips para sa inyo. Tingnan natin ito:

1. Maging Masinop (dagdag 2 taon sa buhay)

Ang mga taong masinop sa kanilang gawain ay mas humahaba ang buhay. Kapag ika’y masinop, mas maingat ka rin sa iyong kalusugan. Mas pipiliin mo ang mga masustansyang pagkain at iiwas ka rin sa mga panganib. Ayon sa pag-aaral, ang mga batang hindi masinop ay maagang namamatay. Kaya turuan ang ating mga anak ng ganitong kaugalian.

2. Isipin Na Ika’y Bata Pa (dagdag 2 taon)

Huwag mong isipin na matanda ka na. Kapag inisip mo ito, ang pakiramdam mo ay tatanda din. Ngunit kung iisipin mong ika’y bata pa, susunod din ang iyong katawan. Magkaroon ng mga mas batang kaibigan. Maging maalam sa nangyayari sa kapaligiran. Mag-aral ng bagong teknolohiya tulad ng computer, internet at mga gadgets. Marami na ngayon ang umaabot sa edad 90 o 100. Umiwas bisyo at mamuhay ng malinis.

3. Abutin Ang Mataas na Antas sa Buhay (dagdag 4 taon)

May pagsusuri ang nagsasabi na ang mga taong mataas ang narating sa buhay (sa pulitika, may posisyon, negosyante) ay mas humahaba ang buhay. Ayon kay Professor Michael Marmot, ang mga taong kilala sa komunidad ay maaaring nabibigyan ng mas magandang gamutan. Pangalawa, gusto nilang mabuhay ng mahaba dahil may gagawin pa sila para sa mga tao.

4. Laging Gamitin Ang Iyong Isipan (dagdag 4 taon)

Gamitin palagi ang ating utak para hindi ito pumurol. Huwag mag-retiro sa trabaho. Mag-aral pa rin sa eskwelahan kahit may edad na. Gawin mo lang palagi ang mga hilig mong gawin. Ayon sa pagsusuri sa Rush University Medical Center sa Chicago, ang mga taong mahilig magbasa, mag-aral at sumagot ng crossword puzzles ay mas nakaiiwas sa sakit na Alzheimer’s disease at pagkauliyanin.

5. Manatiling Payat (dagdag 5 taon)

Ayon sa World Health Organization, ang mga atleta na mas mababa sa 5 feet 9 inches at tama lang sa timbang ay mas humahaba ang buhay. Alam natin na masama ang pagiging mataba dahil maraming sakit itong dala, tulad ng sakit sa puso, high blood at diabetes. Hindi naman malinaw kung bakit mahaba ang buhay ng mas pandak na tao. May mga eksperto ang naniniwala na malaking enerhiya ang ginagamit ng matatangkad na tao at mas nagkakaroon sila ng mga sakit ng pagka-edad tulad ng arthritis. Kaya dapat masaya na tayo kung tayo’y mababa at payat.

6. Bawasan Ang Pagkain (dagdag 2 taon sa buhay)

Ayon sa mga pagsusuri, ang pagbabawas ng kinakain ay puwedeng makahaba ng buhay. Paniniwala ng ilang eksperto na ang pagbabawas ng 20% sa iyong kinakain ay puwedeng makabawas sa mga toxins (dumi) sa iyong katawan. Kahit sa Biblya ay itinuturo ang fasting at pag-iwas sa ilang pagkain. Piliin ang pagkaing masustansya at hindi nakatataba.

7. Subukan Ang Mediterranean Diet (dagdag 5 taon)

Ang Mediterranean diet ay may kasamang prutas, beans, mani, cereals at olive oil. May sapat na isda at manok din. Ayon sa mga pag-aaral, ang taong kumakain ng Mediterranean diet ay mas hindi nagkakasakit sa puso at nagkakaroon ng Alzheimer’s disease.

8. Piliin Ang Mabuting Taba o Good Fats (dagdag 1 taon)

May 2 klase ng taba: ang mabuti at ang masama. Ang masamang taba (bad fats) ay nagdudulot ng sakit sa puso, mataas na kolesterol at stroke. Ito ay ang margarine, butter, creams, at taba ng baboy at baka. Sa kabilang banda, mayroong mga mabuting taba (good fats) na matatagpuan sa mani, olive oil, abokado at matabang isda tulad ng sardinas, tilapia at salmon. Piliin ang low-fat milk at low-fat na palaman. Tapyasin ang mga nakikitang taba sa karne bago ito lutuin.

9. Panatilihing Malusog Ang Iyong Ngipin (dagdag 3 taon)

Ang pagkakaroon ng sirang ngipin at namamagang gilagid ay puwedeng magdulot ng sakit sa puso. Ayon sa pag-aaral, kapag laging may sirang ngipin, mababawasan ang iyong buhay ng 3 taon. Ito’y dahil ang bibig natin ay may napakaraming mikrobyo na puwedeng kumalat sa dugo at kumapit sa heart valves (balbula ng puso). Para maka-iwas sa sakit, magsipilyo ng 3 beses sa isang araw. Gumamit ng tongue cleaner at mag-floss araw-araw.

10. Magkaroon Ng Aktibong Sex Life (dagdag 3 taon)

Oo, tunay po iyan. Ang sex ay mabuti sa iyong puso at kalusugan. Napatunayan na ng siyensya na ang mga taong nakikipagtalik ng 2 o 3 beses kada linggo ay mas hindi inaatake sa puso at nai-stroke. Bukod dito, mas masaya sila at mas humahaba ang buhay. Ang sex ay isang klase ng ehersisyo at tumutulong sa paggawa ng endorphins o happy hormones na nagpapasaya sa atin. Tandaan lamang na “safe sex” sa asawa ang aking tinutukoy. Kapag hindi “safe” ang iyong partner, puwede kang mahawa ng sexually transmitted disease at HIV-AIDS. Mag-ingat po.

11. Gawing Ligtas Ang Iyong Bahay (dagdag 2 taon sa buhay)

Ayon sa mga datos, mas madalas ma-aksidente ang may edad sa loob ng bahay kaysa sa labas. Kadalasan ay nadulas sa banyo o kuwarto. Para makaiwas sa aksidente: (1) Maglagay ng hawakan sa banyo, (2) maglagay ng plastic mat para hindi madulas sa banyo, (3) ayusin ang sirang hagdanan at sahig, (4) alisin ang basura na puwedeng makatisod, (5) ipasuri ang mga kuryente at doorbell, at (6) siguraduhing nakakandado ang mga pintuan sa gabi para ligtas sa kawatan.

12. Pumili Ng Kuwartong May Magandang Tanawin (dagdag 1 taon)

Totoo po ito. Kapag maaliwalas ang iyong tanawin, gaganda rin ang iyong kalusugan. Ayon sa pagsusuri, ang mga pasyenteng nakakakita ng magandang tanawin ay mas mabilis gumaling. Kung wala kayong bintana, maglagay na lang ng posters.

13. Maging Ligtas Sa Trabaho (dagdag 2 taon)

May panganib sa iba’t-ibang trabaho. Posibleng may mga kemikal, pintura, himulmul ng damit at makina na puwedeng makasama sa iyong kalusugan. Magtanong kayo tungkol sa gamit pang-proteksyon, tulad ng pagsuot ng masks sa garment factory, matigas na sombrero para sa construction workers, lead shields para sa X-ray workers, guwantes, bota at iba pang kagamitan na angkop sa iyong trabaho. Mag-ingat para hindi ma-aksidente.

14. Umiwas Sa Sobrang Ingay (dagdag 1 taon)

Ayon sa World Health Organization, ang sobrang ingay ay puwedeng magdulot ng sakit sa puso at iba pang sakit. Kahit ang ingay ng sasakyan sa kalsada (mga 50 decibels) ay may masamang epekto rin sa katagalan. At kahit tayo ay natutulog, naririnig din natin itong ingay at nai-stress ang katawan. Panatilihing tahimik ang iyong kuwarto. Isara ang bintana at magsuot ng ear plugs. Umiwas din sa pagtira sa tabi ng daanan ng eroplano, pangunahing kalsada at maingay na factory.

15. Umiwas Sa Matinding Liwanag Sa Gabi (dagdag 1 taon)

Ayon sa WHO, ang liwanag sa gabi ay may epekto sa kalusugan. Ayon sa pagsusuri, ang pagta-trabaho sa gabi ay posibleng magdulot ng cancer. Paniwala ng ilang eksperto na nasisira ang ating body clock. Tila ba nalilito ang ating katawan kung umaga na o gabi pa. Kapag wala nang liwanag, ito ang senyales ng katawan na gumawa ng melatonin, isang mabuting kemikal. Kapag hindi tayo nakagawa ng melatonin, ito ang nagdudulot ng sakit. Bilang remedyo sa night-shift workers at call center agents, gawing madilim ang iyong kuwarto habang natutulog. Sa gabi naman, gumamit ng dilaw na ilaw kaysa sa maliwanag na white fluorescent light.

16. Umiwas Sa Polusyon Sa Hangin (dagdag 2 taon sa buhay)

Ayon sa mga eksperto, ang mga polusyon sa hangin tulad ng sulfur oxides at nitrogen oxides ay puwedeng magdulot ng atake sa puso. Sa pag-aaral ni Dr. Gerard Hoek ng Netherlands, ang mga taong nakatira sa tabi ng malaking kalsada (tulad ng EDSA) ay mas nagkakaroon ng hika, ubo at sakit sa puso. Para makaiwas sa polusyon, magtanim ng maraming puno tulad ng bamboo trees. Isara ang ibang bintana at maglagay ng screen sa pintuan. Pero ang pinaka-solusyon ay bawasan ang mga mauusok na sasakyan (smoke belchers) sa ating lansangan.

17. Mag-ingat Sa Radiation (dagdag 1 taon)

Ang ionizing radiation ay napatunayang nagdudulot ng cancer at leukemia. Kapag madalas ang exposure mo sa radiation, puwedeng masira ang iyong DNA sa selula. Pero hindi naman masama ang paminsan-minsan na X-ray na kailangan sa ating check-up.

18. Maghugas Ng Kamay Palagi (dagdag 2 taon)

Alam niyo ba na may 10 milyong bacteria sa bawat palad natin? Totoo po iyan. Kaya sa pamamagitan ng simpleng paghuhugas ng kamay ay makaiiwas tayo sa maraming sakit tulad ng trangkaso, tuberculosis, diarrhea, typhoid at sore eyes. Maghugas ng kamay sa ganitong pagkakataon: (1) bago magluto ng pagkain at bago kumain, (2) pagkagamit ng banyo, (3) pagkatapos umubo, suminga o bumahing, (4) kung may sakit ang mga tao sa paligid mo, at (5) pagkatapos magtapon ng basura.

19. Maging Aktibo Sa Komunidad (dagdag 3 taon)

Ang pagtulong sa komunidad at pagkakaroon ng maraming kaibigan ay nakahahaba sa ating buhay. Ayon sa pagsusuri ng 3,617 katao ni Propesor Peggy Thoits ng Vanderbilt University, ang mga taong matulungin ay mas masaya sa buhay, mas may kumpyansa sa sarili at mas malusog ang katawan. Kapag tayo’y tumutulong sa kapwa, gagawa ang ating katawan ng endorphins, isang kemikal na nagpapasaya sa atin.

20. Mag-ingat Sa Paglalakbay (dagdag 2 taon)

Sa ating paglalakbay, dapat ay pairalin ang pag-iingat. Kung gabi na at gusto pa ng iyong barkada na mag-inuman, sasama ka ba? Kung may malayong lugar kayong pupuntahan at hindi ka kampante dito, tutuloy ka pa ba? Lalo na sa mga may edad, maraming panganib ang puwedeng mangyari habang naglalakbay. Puwede magkasakit ng traveller’s diarrhea dahil sa pagkain. Uminom lang ng bottled water. Siguraduhing sobra ang dala mong gamot at pera sa paglalakbay dahil baka hindi ka makauwi agad. Tandaan ang mga payong ito para maging ligtas.

Related Posts