By Dr. Liza Ramoso-Ong
Ang pagkasira ng ngipin ay tinatawag na tooth decay o dental caries. Ito ay isang problema na laganap sa Pilipinas. Maraming kabataan ang may sirang ngipin sa mura pang edad.
Nag-uumpisa ang tooth decay kapag hindi tayo nag-sepilyo at may naiwang pagkain sa pagitan ng ngipin. Dahil dito, may mga bacteria sa bibig na sumasama sa pagkaing ito at magiging dental plaque o tartar. Sa katagalan ay may asido na inilalabas ang mga bacteria at ito ang sisira sa ngipin.
Kapag hindi ito naagapan, tuluy-tuloy na ang pagkabutas ng ngipin. Kung maliit pa lamang ang butas sa ngipin ay puwede pa ito pastahan. Ngunit kung malaki na ang butas ay baka kailangan na itong bunutin. Kawawa naman ang mga bata na maraming bunging ngipin.
Habang nasisira ang ngipin, kadalasan ay inaabot ang nerve (ugat) kaya sumasakit ito. Kapag lumalim ang impeksyon ay puwedeng kumalat ang bacteria sa dugo at magkaroon ng komplikasyon.
Ang solusyon lamang sa sirang ngipin ay ang pagpapatingin sa isang dentista. Habang naghihintay ng appointment sa dentista, mayroon tayong first aid para sa tooth decay:
- Puwedeng uminom ng gamot na pain reliever kung sobrang sakit ng ngipin. Ang ehemplo nito ay ang mga mefenamic acid capsules. Inumin lang ito pagkatapos kumain para hindi humapdi ang tiyan.
- Ituloy ang pag-sepilyo ng ngipin kahit masakit ito. Huwag iwasan ang mga masasakit na lugar dahil posibleng doon nanggagaling ang impeksyon. Dahan-dahanin lang ang pag-se-sepilyo.
- Magmumog gamit ang maligamgam na tubig na may konting asin. Ito ay para mabawasan ang pamamaga ng gilagid. Gawin ito ng madalas.
- Mag-ingat sa matitigas na pagkain. Puwedeng mabungi ang ngipin kapag kumagat ka ng matigas. Kumain muna ng malalambot na pagkain tulad ng lugaw at isda. Umiwas din sa sobrang mainit at malamig na pagkain para hindi mangilo ang ngipin.
At siyempre, kumonsulta agad sa dentista.