By Dr. Liza Ramoso-Ong
Alam ba ninyo na may mga pagkaing maganda sa ating ngipin? Alamin ang mga ito:
- Tubig – Ang pag-inom ng tubig ay may tulong sa pag-iwas sa sirang ngipin. Puwedeng mabawasan ng tubig ang mga bacteria at asukal na nakadikit sa ngipin. Itong bacteria at asukal ang nagdudulot ng tooth decay. Kaya kung kayo ay nag-meryenda o kumain ng candy o tsokolate, ugaliing uminom ng tubig pagkatapos para mahugasan ang mga nakadikit na pagkain. Kung wala kayong pagkakataon na mag-sepilyo, malaking tulong din ang pagmumog ng tubig para matanggal ang dumi na nakasinggit sa ngipin.
- Malutong na gulay at prutas – May mga pagkaing malutong na makatutulong sa ngipin, tulad ng mansanas, peras (pears), carrots, celery, pipino, at sili (green pepper at red pepper). Kapag kumain ka nito, dadami ang produksyon ng laway, at itong laway ang makatutulong sa pagtanggal ng bacteria sa ngipin. Ang mga malulutong na gulay at prutas ay hindi rin maiipit sa gitna ng iyong ngipin.
- Keso – May pagsusuri ang nagsasabi na ang pagkain ng keso ay nagpapatigas ng ating ngipin (enamel). Posibleng ang calcium ng keso ang nagpapalakas ng ngipin. Nalalabanan din ng keso ang pagiging acidic ng ating bibig, kung saan nakakagasgas ito ng ngipin.
- Tsa-a – Ayon sa pag-aaral mula sa University of Illinois, ang mga taong umiinom ng tsa-a ay mas hindi nasisira ang ngipin kumpara sa hindi umiinom ng tsa-a. Tinatayang nilalabanan ng tsa-a ang mekanismo ng pagkasira ng ngipin.
- Xylitol gum – Alam ng karamihan na masama ang candy at chewing gum sa ngipin dahil sa taglay nitong asukal. Ngunit may isang klaseng chewing gum na mabuti sa ngipin. Ang Xylitol ay isang natural na pampatamis na hindi magagamit ng bacteria. Dahil dito, namamatay at nababawasan ang dami ng bacteria.
Bukod sa mga pagkaing ito, dapat tayong mag-sepilyo ng 3 beses sa isang araw. Gumamit din ng dental floss at tongue cleaner para siguradong malinis ang bibig at mabango ang hininga.
Pagkaing Nakasasama Sa Ngipin
Mahirap ang masiraan ng ngipin at mabungi. Dahil dito, dapat nating limitahan ang pagkain ng mga bagay na nakasasama sa ating ngipin.
Heto ang mga pagkaing puwedeng makasama sa ngipin:
- Matatamis na pagkain – Ang tooth decay ay nag-uumpisa sa pagdami ng bacteria sa ating bibig. Para mabuhay ang bacteria, kailangan nila ng pagkain tulad ng matatamis na pagkain. Kapag madalas kang kumakain ng candy, jams, tsokolate, juices, soft drinks at cakes, mas madaling masira ang ngipin.
- Mga carbohydrates tulad ng tinapay at donut – Ang mga carbohydrates ay makukuha sa tinapay, donut, ensaymada, cookies, at muffin. Madali din itong gamitin ng bacteria para gumawa ng asido na makakasira ng ngipin.
- Madikit na pagkain – Ang mga madidikit na pagkain tulad ng biko, sapin-sapin, puto bungbong, palitaw, pan-de-coco, chewing gum at chocolate bar ay mabilis ding makasira ng ngipin. Ito ay dahil dumidikit ang mga pagkaing ito sa ngipin na ginagamit ng bacteria.
- Maling pagbibigay ng gatas sa bata – Masustansya ang gatas bilang pagkain. Ngunit may mga magulang na hinahayaang matulog si beybi na may bote ng gatas sa bibig. Ang matagalang pagdikit ng gatas sa ngipin ay makakabutas ng ngipin. Para maiwasan ito, linisin ang ngipin at gilagid ng beybi na gamit ang basang tela o gasa.
- Alak – Ang pag-inom ng alak ay puwedeng makagasgas sa ngipin. Dapat ding iwasan ang paninigarilyo dahil magiging madilaw ang ngipin. Mabilis ding makasira ang paninigarilyo sa ngipin.
Bilang paglilinaw: Hindi natin sinasabi na huwag nang kumain ng mga pagkaing ito. Bawasan lang natin ito.
Para makaiwas sa tooth decay, ugaliing mag-sepilyo agad pagkatapos kumain. Dahil kapag hinayaan natin ang mga pagkain sa bibig, sa loob ng isang oras ay mag-uumpisa nang masira ang iyong ngipin. Ingat po.