A photo of a beautiful woman holding a smiley balloon

By Dr. Liza Ramoso-Ong

Napag-usapan na natin ang mga payo para magkaroon ng kagandahan na panlabas. Pero mayroong mga tao na kahit hindi naman maganda o guwapo, ay may taglay na kagandahan na panloob. Mabait sila at charming kung tawagin. Ang katangiang ito ay nakakaakit sa iba. Heto ang mga paraan para makamtan ito:

  1. Magkaroon ng malasakit para sa ibang tao – Kapag matulungin ka sa iyong kapwa, gaganda rin ang pananaw sa iyo ng ibang tao.
  2. Magpakita ng tamang modo – Magkaroon ng respeto sa nakatatanda sa iyo. Alamin kung kailan karapat-dapat magsalita at kailan mananahimik.
  3. Maging malinis sa katawan – Siguraduhing malinis ang iyong mukha, buhok, kuko at iba pang parte ng katawan. Kahit ika’y hindi maganda o guwapo, kapag ika’y malinis sa katawan ay may dagdag puntos na rin.
  4. Pahalagahan ang ibang tao – Magsalita ng mabuti tungkol sa iyong kapwa. Magpasalamat sa iyong ka-trabaho at amo.
  5. Maging masiyahin at madaling tumawa – Kapag ika’y tumatawa, nagiging mas kaaya-aya ang iyong personalidad. May nilalabas ding mga good hormones o endorphins ang ating katawan kapag tayo’y tumatawa.
  6. Maging matapat – Huwag magsinungaling. Kahit gaano ka kaganda, kapag nahuli kang nagsisinungaling, madidismaya ang ibang tao sa iyo. Pero kahit ika’y ordinaryo lamang, kapag nagsasabi ka ng totoo ay gaganda ka sa paningin ng iba.
  7. Magpatawad ng iyong kaaway – Kung mayroong bumabatikos sa iyo, puwedeng hayaan mo na lang siya. Basta alam mong wala kang kasalanan. Manahimik ka na lang at marami sa iyong kaibigan ang hahanga sa iyo.
  8. Hanapin ang kabutihan ng bawat isa – May kuwento ang awtor na si Norman Vincent Peale. May isang Misis na nakapangasawa ng isang babaerong lalaki. Pinayuhan ni Norman Vincent Peale ang Misis na gumising ng alas 5 ng umaga at ipagdasal lang ang kanyang asawa. Pagkaraan ng ilang linggo, bigla na lang huminto ang kanyang asawa sa pambababae. Ang sabi ni lalaki, “Napakabait at napakaganda ng aking Misis. Hindi ko na siya kayang lokohin pa.”

May kasabihan na ang kagandahan ay nasa mata ng tumitingin. Kapag hahanapin natin ang kabutihan sa isang tao ay matatagpuan natin ito. Alam kong mahirap ang mga payong ito. Ngunit kung tayo magtiya-tiyaga, makakamtam din natin ang kagandahan na panloob.

Related Posts