A photo of a woman at salon doing hair service

Mag-ingat sa Hair Dye, Rebonding at Deodorant

By Dr. Liza Ramoso-Ong

May mga dapat tayong alamin tungkol sa mga hair dye, hair rebonding at paggamit ng deodorant. May mga side effect din ito:

Paggamit ng Hair dye o pampakulay ng buhok.

May mga taong nag-a-allergy sa hair dye. Namamaga at namumula ang kanilang ulo at mukha. Mayroon na rin akong nakitang na-ospital dahil dito. Kung ikaw ay may history ng allergy sa gamot, pagkain o anumang bagay, dapat ay ipaalam mo ito sa iyong hair stylist. Sa unang pagkakataon, huwag muna ipakulay ang buong buhok. Subukan ng konti muna at obserbahan kung mag-a-allergy ka.

Isa pang problema sa hair dye ay ang pagkakulay ng balat natin sa batok, noo at tainga. Para maiwasan ito, maglagay muna ng Vaseline o Petroleum jelly sa paligid ng iyong anit at tainga. Mapipigilan nito ang pagdikit ng hair dye sa balat. Kapag nangitim na ang balat, pahiran ito ng toothpaste o sukang puti. Mababawasan nito ang mantsa sa balat.

Hair rebonding.

Ang rebonding ay isang paraan na pinapaderecho at pinapakintab ang buhok. May masamang epekto ito dahil nagiging marupok at dry ang buhok. Ang proseso ng rebonding ay ang pagbali ng sanga sa loob ng buhok at idinidikit ito ulit. Dahil marupok na ang buhok, pinagbabawal na ang pagsuot ng rubber band, headband, clip, at pony tail. Madali kasing mapigtas at malagas ang na-rebonding na buhok.

Skin deodorant o pabango.

Ligtas naman ang paggamit ng deodorant pero may ilang tao ang allergic dito. Ang iba naman ay nangingitim ang kili-kili sa deodorant. Kapag nangitim ang iyong kili-kili, huwag itong kuskusin dahil lalo itong mangingitim.

Kung may allergy ka sa deodorant, subukang gumamit ng 100% natural deodorant tulad ng baking soda, corn starch at rubbing alcohol. Una, ipahid sa kili-kili ang baking soda. Puwede mo ring paghaluin ng 50% corn starch at 50% baking soda. Mababawasan nito ang amoy at pagpapawis ng kili-kili. Pangalawa, para makagawa ng liquid na deodorant, paghaluin ang one-fourth tasa ng rubbing alcohol at one-fourth tasa ng baking soda. Ilagay ito sa isang spray bottle. Gamitin sa kili-kili tulad ng paggamit ng deodorant. Mura na at epektibo pa.

Related Posts