A woman scratching her arms

Bungang Araw: Makating Butlig Sa Katawan

By Doc Liza Ramoso-Ong

Mayroon ka bang kinakamot sa iyong balat? Makati at mapula ba ito at parang butlig ang hitsura? Tingnan ninyo maigi dahil posibleng bungang araw iyan.

Ang bungang araw (heat rash o prickly heat sa Ingles) ay mapula at makating mga butlig sa katawan. Kadalasan ay tabi-tabi itong mga butlig. Mukha itong maliliit na tigyawat.

Ang mga parte ng katawan na madalas tubuan ng bungang araw ay ang leeg, balikat, likod, dibdib at singit. Nag-uumpisa ang bungang araw kapag lagi kang pinapawisan at naiinitan. At kapag nagbara ang mga sweat ducts (daanan ng pawis), mag-iipon ito ng pawis at magiging bungang araw.

Tayong mga nakatira sa mainit na lugar ay mas nagkakaroon ng bungang araw. Kung mabigat ang iyong trabaho o nagsusuot ka ng makapal na damit ay puwede ding magka-rashes.

Heto ang mga paraan para makaiwas at malunasan ang bungang araw:

  1. Gumamit ng powder para sa bungang araw. Ang tawag dito ay “prickly heat powder or lotion.” Mabibili ito sa botika at supermarket. Ipahid ito sa makating parte 2 hanggang 4 na beses sa maghapon.
  2. Kung wala kang mabiling prickly heat powder, puwede din ang baby powder, corn starch o baking soda bilang kapalit.
  3. Para mabawasan ang kati, maaaring maghalo ng 1 basong tubig at 1 kutsaritang baking powder. Isawsaw ang tuwalya sa solution na ito at ipahid sa katawan ng 10-15 minuto.
  4. Huwag ito kamutin dahil baka magsugat at mag-impekson lamang.
  5. Magsuot ng maluwag at preskong baro na gawa sa cotton.
  6. Manatili sa malamig na lugar, o sa may air-con o bentilador.
  7. Huwag lagyan ng maraming malalapot na lotion ang iyong balat.
  8. Maligo araw-araw para manatiling presko at malinis ang katawan.

May mga sitwasyon na kailangan nang kumonsulta sa doktor. Kapag ang pasyente ay may lagnat, o may nana na lumalabas sa mga rashes, ipakita ito sa doktor. Simple lang ang gamutan sa bungang araw. Mag-powder at magpalamig palagi.

Related Posts