A photo of feet with red markings indicating the infection

By Doc Liza Ramoso-Ong

Ang mga sakit sa balat tulad ng buni, an-an at alipunga ay dahil sa mga fungal infections. Ang medikal na tawag dito ay Tinea infections.

Puwedeng kumalat ang fungal infections sa balat ng katawan (tawag dito ay buni), sa mukha (an-an), sa kuko, sa ulo, sa singit (hadhad o Jock’s itch), at sa paa (alipunga). Pare-pareho lang ang gamutan ng mga ito.

Buni o Ringworm Infection:

Ang buni ay madalas makita sa katawan, mukha, braso at binti ng tao. Ito’y parang may patsi-patsi sa balat, mapula-pula at may mga parang kaliskis (scales) na nagbabalat. Hindi din regular ang mga paligid nitong impeksiyon at kumakalat ito. Medyo makati ang fungal infections.

Hadhad o Jock itch:

Ang hadhad ay madalas makita sa mga atleta, tulad ng mga basketball player, football player at runners. Sa kanilang pag-e-exercise, laging mainit at pawis ang kanilang mga singit, lalo na kung masikip ang kasuotan.

Mapula at mamasa-masa ang hitsura ng singit ng may Jock itch. Makati ito at maaaring magkasugat din. Kapag summer, marami ang nagkaka-jock itch.

Dapat ay mahanginan at tuyo palagi ang singit. Huwag magsuot ng masisikip na briefs, maong at pantalon. Mag-boxer shorts na lang o kapag nasa bahay ay huwag nang mag-briefs.

Alipunga o Athlete’s Foot:

Ang alipunga ay nakikita sa mga daliri ng paa. Kapag madalas mapawisan ang paa dahil naka-medyas at sapatos, puwedeng magka-alipunga. Ang mga sundalo, security guard at drivers ay madalas magka-alipunga.

Ang alipunga ay galing sa fungus na Tinea pedis. Ito’y kumakalat sa pagitan ng mga daliri ng paa. Dahil dito, nagkakasugat at nangangati ito. Namamasa at nangangamoy din ang paa ng may Athlete’s foot.

Dapat panatilihing tuyo at malinis ang ating paa. Kung puwede ay magtsinelas o mag-sandals na lang para mahanginan ang paa. Huwag nang mag-medyas. May tulong din ang mga foot powders para dito.

Paano Ito Gagamutin?

Ang mga fungal infections sa balat (tulad ng an-an, buni, hadhad at alipunga) ay magagamot ng mga anti-fungal cream tulad ng miconazole o ketoconazole cream. Ipahid ito ng 2 beses sa maghapon. Gawin ito ng 2-4 linggo hanggang gumaling.

Kapag bumalik ang fungal infection, pahiran ulit ng anti-fungal cream hanggang gumaling muli. Kapag hindi pa rin mawala, kumonsulta sa doktor o dermatologist. Nakakahawa ito, kaya mag-ingat.

Related Posts