A photo of a woman putting salt in her dish

By Doc Liza Ramoso-Ong

Para maging malusog, ugaliin natin na bawasan ang alat sa pagkain. Ito ang payo ng mga eksperto.

Kapag maraming asin sa katawan, hindi mailalabas ng kidneys (bato) ang sobrang tubig sa katawan. Ito ang sanhi ng high blood pressure kung saan puwede humantong sa istrok at atake sa puso (stroke at heart attack).

Payo para mabawasan ang asin (o sodium) sa katawan, subukan ito:

  1. Ang normal na diyeta ay may 7-15 grams ng asin (sodium) bawat araw. Sa may high blood, dapat itong ibaba sa 2 grams ng sodium bawat araw lamang.
  2. Huwag nang magdagdag ng asin sa iyong pagkain. Kung ano ang timpla, iyon na lang ang kainin.
  3. Kung mahilig ka sa instant noodles, kalahating seasoning (nasa pakete) lang ang ilagay. Huwag din ubusin ang sabaw dahil andoon ang lahat ng asin.
  4. Limitahan o iwasan ang pagkain ng maaalat na sitsirya tulad ng potato chips, chicharon, mani at cornicks.
  5. Bawasan ang pagkain ng tuyo, daing, tinapa at bagoong alamang dahil napakaalat nito. Gulay, prutas at inihaw na isda ang piliin.
  6. Bawasan ang paggamit ng asin, toyo, patis, bagoong at tausi sa niluluto o bilang sawsawan.
  7. Suka at kalamansi na lang ang gawing kapalit na sawsawan.
  8. Imbes na adobong manok, puwede din ang “sweet and sour sauce” sa manok.
  9. Ang pagkaing Pinoy tulad ng adobo, beef steak at binagoongan ay madalas maalat ang pagkatimpla. Kapag maalat ang timpla, limitahan ang pagkain ng sarsa nito.

Tandaan: Piliin natin ang mga hindi maaalat na pagkain. Sa katagalan ay masasanay din ang ating panlasa sa masustansyang pagkain.

Related Posts