A photo of a healthy and appetizing breakfast

By Doc Liza Ramoso-Ong

Ayon sa kasabihan, “Ang almusal ang pinakamahalagang pagkain natin sa buong araw.” Tama po itong paniniwala. Kahit alam kong marami sa atin ang hindi kumakain sa umaga, dapat pa rin natin ipaalala ang kahalagahan nito.

Ito ang mga benepisyo ng pagkain ng almusal:

  1. Para lumakas – Ang ating katawan ay manghihina kapag wala tayong pagkain. Kailangan ng utak natin ang pagkain para gumana. Tandaan natin na halos 10 oras nang walang laman ang ating tiyan pagdating ng umaga. Kaya dapat lang na lagyan ng pagkain o enerhiya sa umaga.
  2. Para tumalino ang bata – Ang mga batang kumakain ng almusal ay nakakakuha ng mas mataas na grado sa eskuwelahan kumpara sa mga batang gutom. Mas alerto, matalino, at mabilis sumagot ang mga batang busog. Bigyan lamang ng masustansyang almusal ang mga bata tulad ng itlog, gulay, isda, kanin, gatas, yogurt at cereals.
  3. Para masigla sa trabaho – Tulad ng mga bata, ang mga matatandang hindi kumakain ng almusal ay hirap mag-focus sa trabaho. Pag dating ng alas-10 ng umaga ay balisa na sila. Wala nang sigla. Ito’y dahil naghahanap na ng pagkain ang katawan. Kaya para hindi mapagalitan sa trabaho, kumain ng almusal.
  4. Para hindi magka-ulcer – Ang mga taong madalas malipasan sa pagkain ay maaaring magkaroon ng ulcer o pananakit ng tiyan. Para makaiwas dito, kailangan tayong kumain ng pakonti-konti pero madalas sa isang araw. Kumain ng 5 beses sa isang araw, pero konti lang. Mas hindi mahihirapan ang iyong tiyan sa pagtunaw nito.
  5. Hindi nakatataba ang pagkain ng almusal – May maling paniniwala na papayat ka kapag hindi ka nag-almusal. Sa katunayan, lalo ka pang tataba kapag hindi ka nag-almusal! Bakit po? Ang mga taong hindi nag-almusal ay mas gutom sa tanghalian, kaya siguradong mapaparami ang kanilang makakain. Babawi ka sa pagkuha ng sobrang daming kanin, ulam at panghimagas. Mahirap ding pumili ng masustansyang pagkain kapag gutom ka na.

Kaya tandaan: Kung gusto ninyong maging malusog at masigla, kumain ng masustansyang almusal. Napakahalaga po nito.

Related Posts