By Doc Liza Ramoso-Ong
May tao bang ayaw maging masaya? Wala siguro. Lahat tayo ay naghahanap ng kasiyahan sa buhay. Heto ang aking mga payo:
- Magdesisyon na maging masaya – Mag-isip ng paraan at bagay-bagay na magpapasaya sa iyo. Sa plano mo, huwag din kakalimutan ang kasiyahan ng ibang tao, tulad ng iyong asawa at anak.
- Gamitin ang iyong talento – Saan ka ba magaling? Marunong ka bang kumanta, sumayaw, magpinta, sumulat o magtalumpati? Hanapin at palakasin ang iyong talento. Ito ang magbibigay sa iyo ng lakas ng loob at kasiyahan.
- Maglaro – Makipaglaro sa mga bata. Gumawa ng oras para sa sports at mag-relaks.
- Bilangin ang biyaya sa buhay – Magpasalamat tayo sa Diyos sa lahat ng biyaya na binigay niya. Kahit maliit lang na biyaya ay okay na.
- Mahalin ang sarili – Lahat ng tao ay nagkakamali. Kasali iyan sa buhay. Ayusin ang pagkakamali, humingi ng tawad at kalimutan mo na ito. Ang mahalaga ay ang pagbabagong buhay at pagharap sa kinabukasan.
- Tingnan ang ganda sa paligid – Nakita mo na ba ang pagsikat ng araw? Nalanghap mo ba ang simoy ng hangin? Narinig mo ba ang kanta ng mga ibon? Pagmasdan mo ang mga nakangiting tao. Ang kalikasan ay punong-puno ng saya.
- Mag-relaks – Kapag napagod ka sa trabaho, mag-relaks at maligo ng maligamgam na tubig. Pagkatapos, magbasa ng iyong paboritong magasin o komiks. Maging abala din sa iyong hobby.
- Maging malapit sa kamag-anak at kaibigan – Ayon sa isang pagsusuri, ang pagkausap sa isang matalik na kaibigan ng isang oras ay katumbas na ng pag-inom ng isang tabletang pain-reliever. Tanggal ang sakit mo sa katawan, tanggal din ang problema mo.
- Maghanap ng positibong kaibigan – Humanap ng mga positibong tao, iyung palaging masaya at maganda ang pananaw sa buhay. Sila ang sikreto mo sa tagumpay. Kung suwerte sila, pati ikaw rin ay susuwertihin. Kung sasama tayo sa negatibong tao, baka mahawa at makuha pa natin ang mga negatibong emosyon.
- Tumulong sa kapwa – Ano ang pinakamagandang paraan para sumaya? Ang pagtulong sa kapwa. Ayon sa pagsusuri, tataas ang “endorphins” mo sa katawan. Ang endorphin ay isang kemikal na nagpapalakas at nagpapasaya sa atin.
- Mag-isip ng masasayang bagay – Ayon kay Norman Vincent Peale, ang awtor ng mga libro sa Positive Thinking, dapat nating turuan ang ating sarili na mag-isip ng masasaya. Kung may negatibong ideya na pumasok sa isipan mo, takpan mo agad ito ng positibong pananaw. Sabihin mong, “Okay lang ako. Kayang-kaya iyan. Malulutas din iyan.”
- Magbasa at makinig ng good news lamang – Alam kong maraming periyodiko ang puro bad news ang isinisiwalat. Puro away at patayan na lang. Iwasan natin ang pagbabasa nito. Piliin lang ang mga magagandang balita. Magbasa ng mga payo sa kalusugan.
- Tumawa – Ayon sa pagsusuri, ang panonood ng masayang palabas ay nakatatanggal ng lungkot, galit at inis. Manood ng mga palabas na comedy at cartoons para sumaya.
- Alagaan ang iyong kalusugan – Paano ka sasaya kung may sakit ka? Kumain ng tama. Umiwas sa bisyo tulad ng sigarilyo at alak. Magpa-check-up sa doktor.
- Mag-ehersisyo – May kakaibang saya ang naidudulot ng ehersisyo. Kapag ika’y napawisan, sasarap ang iyong pakiramdam.
- Maghanap na katamtamang stress sa buhay –Kung sobra ang stress, masama ito sa katawan. Pero kung kulang ka naman sa stress o trabaho, hindi rin maganda. Ito’y dahil tatamarin ka at manghihina din. Alamin ang tamang dami ng trabaho na angkop sa iyo.
- Matulog – Kailangan mo ng 7-8 oras ng tulog bawat gabi. Kung hindi ka makatulog, subukan mong uminom ng vitamim B complex. Nakarerelaks ito. Kahit hindi ka makatulog, humiga ka lang sa kama at parang nakapahinga din ang iyong katawan.
- Umibig – Ang taong umiibig ay puwedeng humaba ang buhay ng 7 taon. Mas maligaya din ang may asawa kaysa sa wala. Bakit kaya? Siyempre, kung may karamay ka sa problema mo, mas gagaan ang pakiramdam mo. Mayroon pang mag-aalaga sa iyo.
- Mag-tiwala sa Diyos – Ayon sa pagsusuri, ang mga taong may tiwala sa Diyos ay mas masaya kumpara sa mga hindi naniniwala. Ang mga taong umaasa sa magandang bukas at may layunin sa buhay, ay mas masaya at mas malusog pa.
Kaya kaibigan, kung hindi ka masaya ngayon, huwag mag-alala. Dahil unti-unti, gaganda din ang buhay mo. Ganyan talaga ang gulong ng buhay. Tandaan: Nasa iyo ang lahat ng kailangan mo para maging masaya.