A photo of make up kit from a pouch

By Dr. Liza Ramoso-Ong

Mahal ang magpaganda. Maraming beauty procedures at produkto na napakamahal. Para sa gipit sa budget, may hinanda akong matipid na beauty tips.

1. Umiwas sa araw – Alam kong marami sa ating kabataan ang mahilig mag-beach, pero masisira ang kutis niyo diyan. Ang araw ay nagpapakulubot ng balat, nagdudulot ng freckles at posibleng magka-skin cancer pa dahil sa UV light.

Umiwas din sa mga sports na laging bilad ka sa araw tulad ng golf at swimming. Tandaan, ang araw ay nakatatanda. Magtago sa matinding sikat ng araw mula 10 ng umaga hanggang 4 ng hapon.

2. Gumamit ng sunblock o sunscreen – Payo ng dermatologists ang paggamit ng sunblock araw-araw. Hanapin ang may nakasulat na SPF 15 o mas mataas pa. Ang ibig sabihin nito ay kapag 15 minuto ka nakabilad sa araw, parang 1 minuto lang ang exposure mo kapag may sunblock. Hanapin yung may proteksyon sa UV-A at UV-B. Bilang dagdag proteksyon, puwedeng mag-payong, mag-sombrero o magtakip ng folder sa mukha.

3. Umiwas sa usok at alikabok – Ang polusyon ay malaking problema natin. Kapag nag-commute ka mula Pasay hanggang Fairview, naku, parang umitim ka sa usok. Titigas din ang buhok niyo sa alikabok. Kung may budget, mag-aircon bus ka o magtakip ng mukha. Maipapayo ko rin ang paggamit ng face mask para hindi malanghap masyado ang masasamang usok.

4. Iwas sa sigarilyo at alak – Ang paninigarilyo ay nakatatanda sa ating mukha. Ang alak naman ay nagpapakulubot din ng balat. Hihina ang iyong resistensiya at babagsak ang iyong katawan.

5. Gumamit ng sabon at tubig – Ayon kay Dra. Francisca Roa, dating presidente ng Philippine Dermatological Society, simple lang ang sikreto ng pagpapaganda. Maligo araw-araw. Gumamit ng sabon at maraming tubig pang-banlaw para tiyak na malinis ang katawan. Maganda ang mild soap tulad ng Johnsons at Dove.

Mainam din maligo bago matulog. Sa ganitong paraan,  hindi kakalat ang dumi mula sa buhok papunta sa mukha na nagdudulot ng tigyawat.

Heto pa ang ibang epektibong beauty tips.

6. Uminom ng maraming tubig – Uminom ng 8-10 basong tubig araw-araw para manatiling malambot ang ating balat. Nakakita ka na ba ng batang nakulangan sa tubig? Biglang lumulubog ang kanilang mukha.

7. Magbawas ng stress – Sabi nga, “Huwag kang magalit, para hindi ka pumangit.” Ang madaling magalit ay mabilis tumanda hindi ba? Nagsasalubung ang kilay at nakangiwi ang mga labi. Tumawa ka at ika’y gaganda.

8. Matulog ng 7 o 8 oras – Kailangan mo ang beauty sleep para hindi magka-eye bags. Sa mga problemado, subukan mag-relax bago matulog. Magbasa muna ng magazine. Maglibang. At kung hindi ka makatulog ay humiga na lang kahit gising. Sa ganitong paraan, makakapahinga pa din ang katawan natin.

9. Huwag matulog ng nakadapa – Kapag naipit ninyo ang inyong mukha habang natutulog, madali itong magkakalinya. Matulog ng nakatihaya.

10. Mag-lotion sa gabi – May tulong sa pagpapakinis ng mukha ang mga lotion at moisturizer. Maghugas muna ng mukha, tapos maglagay ng moisturizer. Hindi naman kailangan bumili ng mamahaling brands.

11. Kumain ng tama – Kumain ng tama at masustansya tulad ng prutas at gulay na sagana sa vitamins at minerals. Kapag makulay ang iyong kinakain, magiging makulay din ang iyong mukha. Umiwas sa pagkaing matataba, mamantika at sitsirya.

11. Mamuhay ng tama – Mag-exercise. Magkaroon ng libangan. Maging abala sa magandang gawain. Ang importante ay masaya kayo para sumigla ang katawan.

12. Magdasal at tumulong sa kapwa – Hindi ba ang tunay na kagandahan ay wala sa labas kundi nasa loob ng isang tao? Ang “inner beauty” ay mas tumatagal at nangingibabaw kaysa sa “outer beauty.” Naalala ba ninyo si Mother Teresa? Madami siyang wrinkles pero parang may ilaw ang kanyang mukha. Basta maganda ang saloobin mo, parang beautiful ka na rin.

Related Posts