A photo showing various make up products

By Dr. Liza Ramoso-Ong

Heto ang mga sakit na makukuha sa mga kagamitan ng babae sa kanilang bag. Isa-isahin natin ito:

  1. Suklay – Huwag maghiraman ng suklay dahil puwede ka magka-kuto. Dahan-dahan din ang pagsuklay at baka malagas ang iyong buhok.
  2. Sabon at shampoo – Ang sabon ay para lang sa katawan, at ang shampoo ay para sa buhok. Huwag itong pagpalitin. Hindi puwede ang sabon para sa buhok. Magbubuo lang ito at magdudulot ng balakubak.
  3. Eyelash curlers – Isang problema sa paggamit nito ay ang pagkakaroon ng kuliti o sty. Ito iyong impeksyon sa talukap ng mata. Kapag nangyari ito, huwag muna gumamit ng eyelash curler. May nabunot kasing buhok na maaaring pasukin ng bacteria. Lagi ding linisin at sabunin ang eyelash curler.
  4. Sunglasses – May tulong ang sunglasses para protektahan ang mata sa sikat ng araw. Ang payo ko ay bumili na sunglasses na may Ultraviolet protection.
  5. Sponge at brush para sa make-up – Kailangan hugasan kada 1 linggo ang iyong sponge at brush. Ito’y para hindi mag-ipon ang sebo (oil) sa iyong sponge. Maaaring magdulot ito ng pimple o tigyawat. Posible ka rin magkaroon ng an-an at fungal infection kapag may nakigamit sa iyong make-up.
  6. Mascara – Isang problema sa mascara ay ang pagbubuo nito. Kapag nangyari ito, puwede mong ilubog sa mainit na tubig ang saradong lagyanan ng mascara.
  7. Sipilyo, floss at tongue cleaner – Magsipilyo 3 beses sa isang araw. Ang bawat parte ng ngipin ay dapat i-brush ng 10-15 na beses. Magtagal ng 2 minuto sa iyong pagsisipilyo. Kapag nakabuka na ang brush ng iyong sipilyo, palitan na ito. Gumamit din ng tongue cleaner o panlinis ng dila. Maraming bacteria ang matatanggal sa pamamagitan ng tongue cleaner. Mag-dental floss din araw-araw. Ito iyung sinulid na pinapasok sa pagitan ng ngipin. Tandaan: Ang hindi pagsisipilyo ay puwedeng makabawas ng 3 taon sa iyong buhay.
  8. Gamit sa manicure at pedicure – Bumili ng sariling manicure at pedicure set. Huwag maghiraman dahil puwede kang mahawa ng alipunga (o fungal infection). Ibabad ang manicure set sa alcohol bago gamitin.
  9. Nose clipper – Sa mga kalalakihan, kailangan gumamit ng nose clipper para putulin ang buhok sa ilong. Puwede din gumamit ng gunting. Tandaan: Huwag hihilahin ang buhok sa ilong dahil puwede itong pagsimulan ng impeksyon. Kaya laging mag-ingat sa iyong kikay kit.

Related Posts