A photo showing a fruit

By Dr. Liza Ramoso-Ong

Alam ba ninyo na mayroong mga pagkaing makatutulong sa pagpapapayat? Oo, heto ang pagkain na dapat nating piliin, pero huwag din sosobra ang kakainin.

  1. Gulay at ensalada (salad).

Ayon sa isang pagsusuri na ipinalabas sa Journal of the American Dietetic Association, ang mga taong kumain ng ensalada ay may mas mataas na lebel ng anti-oxidants sa kanilang katawan. Mataas sa fiber ang gulay, kaya ito nakabubusog sa kaunting calories lamang. Suka lang ang gamiting sawsawan at huwag na ang mayonnaise sauce o Thousand Island dressing.

  • Suha at grapefruit.

Ayon sa mga dalubhasa ng Louisiana State University, ang pagkain ng grapefruit 3 beses sa maghapon ay nakapapayat ng 4 pounds sa loob ng 3 buwan. Ang suha natin ay kapamilya ng grapefruit sa America. Ayon sa mga researchers, ang acid ng grapefruit ang tumutulong sa pagpapabagal ng digestion, kaya tayo ay mas nabubusog.

  • Mansanas.

May kasabihan na “An apple a day keeps the doctor away.” Ayon sa scientists ng Penn State, ang mga taong kumakain muna ng isang mansanas bago mag-tanghalian ay nakakabawas ng 187 calories sa kanilang makakain. Mabilis makabusog ang mansanas dahil ito ay may pectin, isang klase ng fiber na nakabababa ng cholesterol at asukal sa dugo. Tandaan: Para hindi maparami ang iyong kakainin, mag-mansanas o mag-suha muna.

  • Peras o pears.

Napag-alaman sa isang pag-aaral sa Brazil na ang mga taong kumakain ng 3 peras o mansanas bawat araw ay mas mababa ang timbang kumpara sa hindi kumakain nito. Sa katunayan, ayon sa U.S. Food and Drug Association, mas maraming fiber ang peras kumpara sa mansanas, kaya mas busog ka dito.  

  • Itlog.

Ang itlog ay masustansya at magandang kainin sa almusal. Sinabi ng Journal of the American College of Nutrition na ang mga taong kumakain ng itlog sa almusal ay mas nabubusog. Kahit alam nating may kolesterol ang pula ng itlog, puwede pa rin kumain ng isang itlog sa maghapon. Iyan ang payo ng American Heart Association.

  • Saging.

Sa Japan, nauso ang “Banana-diet” kung saan maraming tao ang pumayat sa pagsunod nito. Sa katunayan, may isang Pilipinong exercise instructor ang pumayat ng 50 pounds sa pagkain lamang ng saging. Maraming benepisyo ang saging. May sangkap ito na makatutulong sa taong may ulcer (dahil sa flavonoids), nag-e-ehersisyo (dahil sa potassium) at nalulungkot (dahil sa tryptophan). Ugaliing kamain ng 1 o 2 saging bawat araw. Ito ang gawin ninyong meryenda.

  1. Beans.

Ang beans, tulad ng monggo beans, red beans at black beans, ay may maraming sangkap na fiber, iron, folic acid, magnesium, phosphorus, potassium at thiamine. Bukod dito, ang beans ay mababa sa taba, asin at kolesterol. Ang pagkain ng kalahating tasa ng beans bawat araw ay maaaring makapagpababa ng kolesterol, blood sugar at timbang. Karamihan ng tao ay puwedeng kumain ng beans. Bawal lang ito sa mga taong mataas ang uric acid sa dugo.

  • Suka.

Ayon kay Dr. Elin Ostman ng Lund University, ang pagkain ng tinapay kasama ang 2 kutsaritang sukang puti ay nakapagpapababa ng blood sugar at ng timbang. Ang paniniwala din ni Dr. D. C. Jarvis ay makapapayat ang pag-inom ng 1 basong tubig na hinaluan ng 2 kutsaritang suka, bago mag-tanghalian at mag-hapunan. Isang babala lamang: Kung ika’y may ulcer o hyper-acidity, mabuting umiwas na lang sa suka. Mas ligtas ang pagkain ng suka kasama ng kinakain na isda, gulay at kanin.

  • Tofu o tokwa.

Alam ba ninyo na ang protina sa tofu at tokwa ay nakababawas sa gana nating kumain? Ito ang napatunayan ng mga researchers sa Louisiana State University. Kung ika’y mahilig sa baboy o baka, puwede mo itong palitan paminsan-minsan ng tokwa. Pareho naman itong may protina na kailangan ng katawan. Ang tofu at tokwa ay mataas din sa calcium, iron, zinc, magnesium, B vitamins, omega-3 fatty acids at fiber. Kaya mabuti ito sa ating puso at buto.

  • Green tea.

Ang green tea ay may catechins, isang antioxidant na makatutulong sa pagpapapayat. Ayon sa pagsusuri sa Japan, ang mga taong uminom ng green tea at oolong tea ay mas pumayat at bumaba din ang kanilang bad cholesterol. Sabi ni Dr. Kevin C. Maki, “Ang catechins ay nagpapabilis sa ating metabolism at nakatutunaw ng taba.” Sa mga may fatty liver, baka makatulong sa inyo ang green tea.

  • Brown rice at wheat bread.

Ang Harvard School of Public Health ay nagsabi kamakailan na ang pagkain ng brown rice at wheat bread ay makapipigil sa pagkakaroon ng diabetes ng hanggang 36%. Nasabi ng mga siyentipiko ito pagkatapos suriin ang 200,000 katao sa loob ng 22 taon. Ang brown rice at wheat bread din ay makababawas sa ating timbang at sa kolesterol. Dahan-dahanin lang ang paglipat sa brown rice dahil puwede itong magdulot ng pagtatae.

  • High-fiber na cereal.

Ang pagkain ng cereal na mataas sa fiber ay mas nakabubusog at mas masustansya sa katawan. Ito ang pahayag ng mga researchers sa VA Medical Center. Kapag kayo ay bibili ng cereals o tinapay, hanapin ang mga salitang “whole wheat” at “whole grains” sa pakete.

Related Posts