A photo of softdrink and iced tea

By Dr. Liza Ramoso-Ong

Ano ang masustansyang inumin para sa ating pamilya? Puwede ba ang mga soft drinks at diet soft drinks? Simple lang po ang sagot: Huwag na lang.

Kung kayo po ay sobra sa timbang, may diabetes o may altapresyon, sundin ninyo ang payo ko. Umiwas sa soft drinks, iced tea at kung anu-ano pang matatamis na inumin. Malaki ang maibababa sa inyong timbang.

Alam ba ninyo na ang isang basong soft drinks ay may 7 kutsaritang asukal. Ganoon din ang iced tea. Puro asukal din iyan kaya grabe ang tamis.

Kahit ang mga diet soft drinks ay may masamang epekto din. Alamin natin ito:

  1. Nakatataba – Kahit mababa ito sa calories ay hindi pa rin ito masustansya. Sa katunayan ay tataba ka pa sa pag-inom nito. Nasasanay kasi ang ating panlasa sa matatamis at hinahanap ng ating katawan.
  2. Posibleng may side effects – Ang tawag sa artificial sweetener ng diet drinks ay aspartame o saccharin. May mga pag-aaral na nagsasabi na maaaring makasama ito sa utak, puso at maging sanhi ng kanser. Hindi pa ito tiyak pero mabuting mag-ingat na tayo.
  3. Nakasisira ng buto – May taglay na phosphorous at caffeine ang soft drinks na posibleng makabawas sa calcium ng ating buto. Puwede kang magka-osteoporosis.
  4. Nakasisira ng ngipin – Dahil ang soft drinks ay may sangkap na citric acid, nagiging marupok ang ating ngipin dahil nabababad ito sa acid.
  5. Puwedeng magdulot ng diabetes at iba pang sakit – Kapag uminom ka ng 1 o 2 lata ng diet soft drinks, tataas ang tsansa mong magkaroon ng diabetes, stroke at sakit sa puso. Puwede ding maka-epekto ang diet drinks sa buntis at dinadalang sanggol.

“Doc, ano na lang ang puwede kong inumin?”

Ang payo ko ay mag-tubig na lang. Kung ayaw mo ng lasa ng tubig, puwede naman uminom ng tsa-a o lagyan ng konting lemon o calamansi ang tubig para magkalasa.

Kaibigan, iwaksi mo na ang diet drinks at soft drinks sa buhay mo. Tubig lang ang sadyang malinis at healthy na inumin.

Umiwas sa Energy drinks

            Masama sa kalusugan ang mga energy drinks dahil mataas ito sa caffeine. Nakaka-addict ang caffeine at nakabibilis pa ng tibok ng puso. Kung ika’y may altapresyon, bawal ang energy drinks dahil puwedeng tumaas ang blood pressure mo.

Related Posts