Woman thinking about what she should eat.

By Doc Liza Ramoso-Ong

Base sa maraming pagsusuri ng mga dalubhasa, heto ang listahan ng mga masustansyang pagkain na dapat nating kainin:

  1. Gulay at prutas – Masustansya ang lahat ng gulay tulad ng pechay, kangkong, ampalaya, malunggay at marami pang iba. Mabuti ito sa tiyan, bituka at sa buong katawan. May taglay itong fiber, bitamina at minerals. Masustansya din ang mga prutas tulad ng saging, mansanas, pakwan at iba pa. Huwag lang dadamihan ang pagkain ng prutas dahil may asukal ito na puwedeng makataba kung sosobra ang kakainin.
  2. Mani, beans at tokwa – May taglay na protina (vegetable protein) ang mani at beans. Napakaganda nito sa katawan. Ang protina mula sa mani at beans ay mas masustansya kumpara sa protina mula sa baboy at baka. Kung hindi naman napatunayan na mataas ang uric acid ninyo sa dugo ay puwede kayong kumain ng mani at beans. Mas maraming benepisyo ito para sa inyo.
  3. Isda – Kahit noong panahon ng Biblya ay isda na ang kinakain ng tao. Nagbigay si Jesus ng tinapay at isda sa libo-libong nakinig ng kanyang sermon. May taglay na omega-3 fatty acids ang isda na makatutulong sa iyong puso at utak. Ang mga taong umaabot sa edad 100 ay mahilig kumain ng isda, mani, beans at gulay. Mas masustanysa din ang protina ng isda kumpara sa baboy at baka.

Heto ang mga pagkaing kainin ng katamtaman lamang: (Eat in Moderation)

  1. Kanin, tinapay, pansit at spaghetti – Puwede kumain nito pero huwag lang dadamihan.
  2. Manok at turkey – Mas masustansya ang nilagang manok kumpara sa nilagang baboy o baka. May benepisyo ang manok sa may sakit ng trangkaso, sipon at lagnat.

Heto ang mga pagkaing dapat iwasan o limitahan:

  1. Baka at baboy (kasama ang lechon, crispy pata, bulalo at pata tim) – Napatunayan na ng maraming pagsusuri na masama ang taba ng baboy at baka. Puwede itong magdulot ng atake sa puso, stroke at kanser sa bituka.
  2. Processed meat tulad ng hotdog, bacon, ham at salami – Bukod sa lamang baboy at baka, hindi maganda ang mga preservatives na ginagamit sa mga pagkaing ito.
  3. Lamang loob – Mataas sa kolesterol at posibleng hindi malinis ang mga pagkaing ito. Ang bituka ng hayop ay daanan ng dumi at dapat iwasan.

Related Posts