By Doc Liza Ramoso-Ong
Sinulat ko itong artikulo para itama ang mga maling paniniwala. Mayroong nagsasabi na dapat daw umiwas sa ilang klaseng gulay kung may high blood o may goiter. Wala po itong katotohanan.
Mga Maling Paniniwala:
- Maberdeng gulay at high blood pressure – Ang high blood pressure ay puwedeng makuha sa sobrang alat ng pagkain at pagtaas ng kolesterol. Ang gulay ay nagpapababa ng kolesterol kaya makatutulong ito sa may high blood. Hindi po pareho ang kulang sa dugo (anemia) at presyon ng dugo (blood pressure). Ang gulay ay makatutulong din sa anemia dahil sa sangkap nitong iron.
- Gulay tulad ng repolyo, kamoteng kahoy at broccoli – Hindi po bawal ang pagkain ng gulay sa goiter. Ang goiter ay puwedeng magmula dahil sa kakulangan sa iodine. Nakukuha ang iodine sa seafoods at iodized salt. Pero siyempre dapat balanse ang diyeta at sari-saring gulay ang kainin natin. Linisin at lutuin ang gulay bago kainin.
Sa mga ayaw pa rin kumain ng gulay, ano naman po ang balak nating kainin? Karneng baboy o baka ba? Pritong pork chop, lechon at pata? Naku, napakataas niyan sa kolesterol at puwedeng magdulot ng atake sa puso at stroke.
Ang mga taong mahilig sa gulay ay mas humahaba ang buhay. Pero kung puro karne ang kinakain ay mabilis magkasakit at maagang namamatay.
Kaya huwag pong maniwala sa mga sabi-sabi. Gulay at prutas ang sadyang ginawa ng Diyos para kainin ng tao.