A photo of a woman in bath towel fresh from the bath

By Dr. Liza Ramoso-Ong

            May masigasig na manliligaw si Linda, isang dalagang 28 anyos. Mabait naman iyung lalaki, hindi naman pangit at marunong pang magtrabaho. Kaya lang, may isang pintas si Linda: madumi ang kanyang mga kuko. Binasted ni Linda iyung lalaki dahil hindi siya malinis sa katawan.

            Kung tutuusin, may punto si Linda dahil napakahalaga ng kalinisan sa katawan. Alam ninyo ba na maraming sakit ang maiiwasan kung tayo ay maliligo maigi araw-araw? Alamin natin ito.

  1. Pigsa – Ang taong palaging pinipigsa ay kulang sa kalinisan. Ang bacteria sa ating balat (staphylococcus) ang nagdudulot ng pigsa. Maligo gamit ang anti-bacterial soap para makaiwas sa pigsa.
  2. Sipon at ubo – Ang sipon at ubo ay madaling makahawa, lalo na sa bata. Madumi ang kamay at puno ng bacteria at virus. Kaya maghugas na ng kamay.
  3. Galis (o scabies) – Sabon at tubig ang magandang panlaban sa galis. Panatilihin ding malinis ang ating paligid at silid tulugan para hindi dapuan nito.
  4. Alipunga – Ito ay isang fungal infection sa daliri ng mga paa. Kapag laging basa ang paa, puwedeng magka-alipunga. Pahanginan ang paa at mag-sinelas muna.
  5. Sore eyes – Bacteria sa mata ang sanhi niyan. Sobra itong nakahahawa lalo na kung nakipagkamay ka sa isang taong may sore eyes. Maghugas palagi ng kamay.
  6. Bulate sa tiyan – Kapag naglaro ang mga bata sa lupa at hindi naligo maigi, puwedeng magkabulate. Nagtatago kasi sa ilalim ng kuko ang mga itlog ng bulate. At kapag sinubo ang kamay sa bibig, papasok na ang bulate sa tiyan.

Bukod dito, mababawasan din ang mga sugat sa katawan kapag maliligo tayo. Maligo mula ulo hanggang paa. Hugasan maigi ang buhok. Gumamit ng shampoo sa buhok at sabon para sa katawan.

Gumamit ng tuwalya at kuskusin ang buong katawan. Huwag kaligtaan ang mga daliri sa kamay at paa. Huwag magmadali. Gumamit ng sapat na tubig. Sa mga bata at matatanda, maligo araw-araw para makaiwas sa sakit.

Related Posts