A photo of different kinds of cupcake

By Dr. Liza Ramoso-Ong

Kadalasan, ang tao ay nangangailangan ng mga 1,800 hanggang 2,200 calories bawat araw. Ang calories ay natatagpuan sa mga pagkain at ito ang nagbibigay ng lakas sa atin. Kung mas pisikal ang iyong gawain, mas puwede mong damihan ang calories na kinakain.

Piliin ang tamang klase ng calories. Mas kumain ng gulay at prutas. Bawasan ang calories mula sa candy, sitsirya, soft drinks at alak.

Heto ang ilang pagkaing mataas sa calories na dapat limitahan o iwasan:

  1. Taba ng baboy at baka – Ang taba ng baboy at baka at mataas sa cholesterol at calories.
  2. Salad dressings – May sawsawan para sa salad na mataas sa calories dahil sa taglay na mantika at asukal. Ang French dressing ay may 631 calories bawat 100 grams o 88 calories bawat kutsara. Mataas din sa calories ang Caesar’s dressing at Thousand Island Mayonnaise Dressings. Subukan na lang ang sawsawan na gawa sa suka o herbs.
  3. Sitsirya at candy – Ang sari-saring candy ay may 500 calories bawat 100 grams. May mga sitsirya na umaabot sa 1,000 calories bawat supot. Parang pinagsama na ang iyong kakaining calories sa tanghalian at hapunan.
  4. French fries – Ang pritong patatas ay may 350 calories bawat 100 grams. Mataas ito sa mantika at cholesterol. Mas mainam pa ang baked potato.
  5. Processed meat tulad ng hot dog, sausage, salami at bacon – Mataas ang mga pagkaing ito sa pinaghalong taba ng baboy, baka at may lamang loob pa.

Ngunit mayroon ding mga pagkaing mataas sa calories na masustansya. Puwedeng kainin ang mga sumusunod:

  1. Mani – Ang mani ay sadyang masustansya, dahil punong-puno ito ng protina, minerals at fats. Huwag mag-alala dahil ang taba na taglay ng mani ay mga good fats na kung tawagin ay monounsaturated at polyunsaturated fats.
  2. Peanut butter – Ang peanut butter ay gawa sa mani at masustansya. Bawat kutsara ng peanut butter ay may 94 calories. Ito ang pinapakain sa mga malnourished na bata sa Africa para sila ay tumaba.
  3. Dark chocolate – Ang chocolate ay may taglay na flavonoids at anti-oxidants na makabubuti sa puso. Ang 30 gram ng chocolate ay may 145 calories. Kaunti lang ang kainin.
  4. Keso – Ang keso ay may protina at calcium. Ang 100 gram ng keso ay umaabot sa 350 calories.

Tandaan: Kahit masustansya ang pagkaing ito, kung sosobra naman ang ating kakainin ay nakatataba pa rin. Kumain lamang ng sapat para sa iyo.

Payat o Mataba: Bilangin Ang Calories Na Kinakain

Kung sobra ang kakainin nating calories, tataba tayo. Ngunit kung kulang naman ang calories na kinakain natin, papayat naman tayo.

Ang pagbibilang at pagbabawas ng calories ay ipinapayo ng doctor kung gusto magpapayat. Sa kabilang banda, puwede ding damihan ang calories na kinakain para tumaba.

Kadalasan, ang tao ay nangangailangan ng mga 1,800 hanggang 2,200 calories bawat araw. Heto ang aking payo:

  1. Piliin ang tamang klase ng calories. Bawasan ang calories mula sa candy, panghimagas, sitsirya, soft drinks at alak.
  2. Mas kainin ang sari-saring gulay at prutas.
  3. Mag-ingat sa dami ng kinakain. Kahit masustansya ang iyong pagkain, kung sobra naman ito sa dami ay nakatataba pa rin.
  4. Alamin ang calories ng iyong pagkain. Basahin ang nutritional label sa pakete ng pagkain.

Heto ang bilang ng calories sa mga pagkain:

  1. Mansanas, medium size: 72 calories
  2. Saging, medium size: 105 calories
  3. Beer (regular, 12 ounces): 153 calories
  4. Tinapay (2 hiwa, wheat o white): 132 calories
  5. Butter (1 kutsara): 102 calories
  6. Carrots (1 cup): 52 calories
  7. Manok pecho (roasted walang balat, 3 ounces): 142 calories
  8. Soft drinks (12 ounces): 136 calories
  9. Itlog (scrambled): 102 calories
  10. Ice cream (vanilla, 4 ounces): 145 calories
  11. Doughnut may filling: 289 calories
  12. Gatas (8 ounces): 122 calories
  13. Mani (1 ounce): 168 calories
  14. Oatmeal plain (1 cup): 147 calories
  15. Orange juice (8 ounces): 112 calories
  16. Peanut butter (creamy, 2 kutsara): 180 calories
  17. Pizza (pepperoni, one slice): 298 calories
  18. Pork chop (3 ounces): 221 calories
  19. Patatas, medium (baked potato): 161 calories
  20. Raisins (1.5 ounces): 130 calories
  21. Thousand Island salad dressing (2 kutsara): 118 calories
  22. Red wine (5 ounces): 123 calories
  23. Kanin (1 cup): 205 calories
  24. Hipon (3 ounces): 84 calories
  25. Spaghetti (1 cup): 221 calories
  26. Tuna light (delata, 3 ounces): 100 calories

Related Posts